Wednesday, September 03, 2003

Alang pasok sa trabaho dahil sa ulan. Posible kaya yun? Kahit bumagyo ng palaka sa Pilipinas ay di mo aakalaing magagawa palang mag declare ng eskwelahang pinapasukan ko ng ganito. Kung iisipin mong isususpinde ang pasok dahil San Fernando, Pampanga ka pa nanggagaling, na kung saan iihi lang ang bayawak ay aabot-tuhod na ang tubig ulan, samahan pa ng floating ataul na galing Sto Tomas, mangarap ka.

Geographically, ang Pampanga ay nasa bahaging gitna ng Region III. Kung iisipin mo ay madali itong maapektuhan ng bagyo na magmumula sa Norte sa dahilang kapatagan ang mas malawak na bahagi nito. Kumbaga ay walang barriers. Ang di ko lubos-maisip ay kung bakit umakyat na ng # 3 ang signal sa Tarlac, Bataan, at Maynila, ay sing perpekto pa rin ng bola ng roll-on deodorant ang pagka zero ng signal dito sa Pampanga. Paalala: Pa encore na ang concert ng mga palaka sa likod ng bahay namin at di pa nauuwi ang tatay ko dahil siguradong bising-bisi siyang nag-aantay ng mekaniko-on-the-road.

Pero iba ngayon. Salamat sa signal #2 ni Onyok na sa tingin ko ay sa panaginip lamang nangyayari. Ang sarap ng pakiramdan ng habang nagmamadali kang magbihis sa kaumagahan upang hindi maging cause of delay ng school bus (na lagi namang cause of delay) ay biglang isisiyok ng celphone ko ang die-another-day kong alert tone para sa text message na magsasabing walang pasok. Saya no? Hindi rin.

Oo mas gusto ko na yung walang pasok sa meron. Papayag akong ipatapon ako sa Alcatraz kung sasabihin mong ayaw mo. Plastik ka kung ganun. Lalo na kung kakatapos pa lang ng nakaka tigang sa utak at walang kamatayang taunang Selebrasyon ng Buwan ng Lahi sa school. Obligahan ka ba namang magturo at tumugtog ng sandamakmak na awiting Pilipino sa lahat ng mga estudyante ng grade school sa loob ng isang linggo, habang inaantay ka sa kabilang building dahil may isang klase ng grade 2 na nawala sa pag-iisip kong papasukan ko pala. Minsan, pasusuutin na lang ako ng jester costume, iisiping mong pwede ako sa circus. Marunong pala ‘kong mag juggle.

Ang mga di-pangkaraniwang mga araw na ito ay para na ring pagtakas mula sa isang mapanggamit na halimaw ng trabaho. Pero di yun ang point. Meron ding disadvantages yung pagkakaroon ng aksidenteng bakasyon. Bukod sa bubungad sa mga mata mo ang gabundok na pinagkainan sa lababo na nung nakaraang gabi pa nakatambak sa lababo, mag ta-transform din sa mala-Himalayas sa taas ang tambak ng gawain mo sa carel o table mo sa office. Asa ka pa na lalapit ang co-teacher mo sa iyo at sasabihing “di ako busy, mag vo-volunteer akong gawin ang work mo.” Parang sinabi mo na ring kaakit-akit ang Ilog Pasig at di ka nanunuod ng Meteor Garden.

Ah, oo nga pala. Wala rin palang ibang sisisihin kung bakit maluha-luha ako ngayon sa harap ng mga plato sa lababo. Ipagsigawan ba naman na walang pasok sa buong kabahayan. Di umubra ang powers ng nunal sa paa at kagitingan ng dila ngayon sa mga magulang.

Pero ayos lang. Ang 20 minutes na gugugulin mo sa paghuhugas ng mga balugang kaldero at ang close-to-eternity na pakikipag bunong-braso mo sa mga nakapending mong trabaho ay walang kwenta, kung ikukumpara sa pansumandaling pagtakas sa kamandag ng burn-out at pagkakaroon ng kapanatagan ng loob at pansariling kapayapaan. And World Peace. I thank you.



0 Comments:

Post a Comment

<< Home